Now Reading
Ang Pagbabalik ni Ellen Adarna sa Entablado Pagkatapos ng Tatlong Taon

Ang Pagbabalik ni Ellen Adarna sa Entablado Pagkatapos ng Tatlong Taon

Pagkatapos umugong ng balitang hiwalay na ang magkasintahan na sina Ellen Adarna at John Lloyd Cruz matapos ng halos dalawang taong pagsasama, mayroong kumakalat na video ngayon mula sa isang aesthetic center na “Pretty Looks” kung saan tampok si Ellen. Makikita sa maikling video sa Instagram ang pagpasok ni Ellen sa klinika ng “Pretty Looks” lulan ng isang sasakyan. Ang “Pretty Looks” ay nakilala sa kanilang “aesthetic tattoo” o “permanent makeup” at “non-surgical face lift”. Dito nagpa-ayos si Ellen ng kanyang kilay sa ilalim ng procedure na tinatawag na “French Taupe Brows”.

Pagkatapos ng tatlong taon na pahinga sa showbiz, muling nagbabalik si Ellen sa entablado sa kanyang kauna-unahang endorsement bilang isang ina. Lumabas ang endorsement na ito pagkatapos ng pag-endorso ni John Lloyd ng “Turks Shawarma” dalawang buwan na ang nakakalipas. Isang panayam rin kay Ellen ang ipinalabas ng aesthetic center kung saan sinabi ni Ellen na ikinagagalak niyang magsagawa ng “mommy makeover” pagkatapos ng ilang taon.

Huling lumabas si Ellen sa telebisyon sa isang ABS-CBN sitcom na “Home Sweetie Home”, kung saan kasama niya sina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga. Unang ipinalabas ito noong taong 2014. Pagkatapos ng pag-alis nina Ellen at John Lloyd sa showbiz, pinalitan na ang pamagat ng palabas at pati na rin ang mga tampok na artista rito.

Samantala, isang anonymous source ang nagsabing hindi raw kailangan ni Ellen ng suportang pinansiyal mula sa ama ng anak nito na si John Lloyd Cruz ngayong nababalitang hiwalay na ang dalawa. Sinabi rin nito na mayaman si Ellen at hindi magiging problema ang pera. Dagdag ng source, hindi ma-issue si Ellen Adarna at tinitiyak nitong hindi siya apektado sa mga haka-haka at tsimis na kumakalat tungkol sa hiwalayan nila ni John Lloyd ngayon. Ang sentro ng atensyon ni Ellen sa kasalukuyan ay ang kanyang isang taong gulang na anak na si Elias.

© 2019 SHY. All Rights Reserved.

Scroll To Top