Now Reading
I-Make over ang iyong Buhok: Alamin ang Pinagkaiba ng Highlights, Balayage, Ombre, at Hair Extensions

I-Make over ang iyong Buhok: Alamin ang Pinagkaiba ng Highlights, Balayage, Ombre, at Hair Extensions

Ang brown o “brunette” na buhok ay karaniwang tinatawag na “boring” dahil sa madilim na kulay nito na mahirap ibahin. Ngunit hindi nangangahulugan na pangit ang buhok na may ganitong kulay dahil maaari mong ibalik ang buhay nito sa pamamagitan ng paglagay ng highlights, balayage, ombre, hair extensions, o maging pag-iba ng kabuuang kulay ng buhok. Sa katunayan, ilang sikat na artista ang makikitang may ganitong kulay ng buhok.

Upang maintindihan ang pagkakaiba ng highlights sa balayage, ombre at hair extensions, nandito kami sa SHY Philippines para ituro sa inyo ang ibig sabihin ng bawat isa. Sa paraang ito ay maaari kang mamili ng istilo na sa tingin mo ay bagay sayo at pwede mong gamitin ito sa iyong buhok para magbalik ang ganda at buhay nito.

Highlights

Ang paglagay ng highlights ay isang paraan para baguhin ang kulay ng buhok lalo na kapag wala ka pang lakas ng loob na baguhin ito. Ang highlights ay ang pagkulay ng ilang maliliit na parte ng buhok para humalo sa natural na kulay nito. Ito ay isang paraan upang lalong umangat ang kulay ng buhok at maging kapansin-pansin ang ganda nito. Maaaring manipis o makapal ang mga parte ng buhok na maaari mong palagyan nito. Pwede rin mamili ng kulay batay sa nais mong tingkad.

Balayage

Ang balayage ay isang paraan ng pagkulay ng buhok mula sa bansang France. Ang pinagkaiba nito sa highlights ay ang paggamit ng kamay sa paglagay ng kulay sa buhok. Dahil dito, mas natural ang itsura ng buhok dahil hindi lamang ilang parte ng buhok ang malalagyan ng kulay. Ang buhok na naka-balayage ay karaniwang may mas matingkad o mas magaan na kulay sa gawing ibaba ng buhok upang makalikha ng natural na kulay na animo’y galing sa beach o yung tinatawag na “sun-kissed”. Ibig sabihin, hindi mo kailangang mag-alala sa pag retouch ng kulay ng iyong buhok dahil maaari mong gupitin ang bahagi nito na may ibang kulay kapag humaba ito.

Ombre

Pinauso ng mga sikat na singer at artista na sina Jennifer Lopez, Jessica Alba, at Chrissy Teigen and kulay na ombre, isang uri ng pagkulay ng buhok na papatingkad o papagaan ang kulay mula sa anit hanggang sa dulo ng buhok. Bagay na bagay ito lalong lalo na sa mga kababaihang may brunette na buhok dahil kahit tumubo ang buhok ay maaari mong gamitin ito bilang “background” sa ombre na kulay.

Hair extensions

Kung hindi ka pa handang mag-iba ng kulay o gupitin ang matagal mong inalagaang buhok, maaari mong ibahin ang iyong itsura sa pamamagitan ng paglagay ng hair extensions. Ito ay makakadagdag ng kapal sa mga kababaihan may manipis na buhok, o haba para sa mga may maikling buhok. Maaari ka ring gumamit ng hair extensions na may bahagyang haba o ikli sa iyong buhok para magdagdag ng “drama” sa iyong hairstyle. Ito ay magbibigay ng “layers” sa buhok na kapansin-pansin at tiyak na mapapatingin sa iyo ang iyong crush dahil sa iyong “new look”!

© 2019 SHY. All Rights Reserved.

Scroll To Top