Now Reading
Isinilang na ni Andi Eigenmann ang Kanyang Anak Kay Philmar Alipayo

Isinilang na ni Andi Eigenmann ang Kanyang Anak Kay Philmar Alipayo

Si Andi Eigenmann ang dalawampu’t siyam na taong gulang na anak ng mga kilalang batiking artista na sina Mark Gil at Jaclyn Jose. Tulad ng kanyang mga magulang, si Andi ay isang matagumpay na artista at modelo. Nagsimula ang karera ni Andie sa larangan ng showbiz noong taong 2007 sa isang telenovela na pinamagatang “Prinsesa ng Banyera”. Mula noon, sunod-sunod na ang kanyang paglabas sa ilang programa sa telebisyon gaya ng Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus, Agua Bendita, at Minsan Lang Kita Iibigin. Gumanap rin siya sa ilang palabas sa takilya tulad ng Shake, Rattle and Roll 12 at Mamarazzi.

Noong taong 2011 unang nagdalantang tao si Andi sa edad na dalawampu’t isa. Buwan ng Nobyembre nang ipinanganak niya ang kanyang unang anak na si Ellie, kung saan kinilala niya ang ama nito bilang ang anak ng dating Pangulong Joseph Estrada na si Jake Ejercito.

Noong ika-dalawampu’t tatlo ng Hulyo, ipinanganak ni Andi ang kanyang ikalawang anak sa isang kilalang ospital sa Taguig at pinangalanan niya itong Keliana Alohi, o “Lilo”. Sa isang post ni Andi sa Instagram, sinabi niya na ang panganganak ay maganda kahit sa anumang paraan: mapa-cesarian man o normal. Pinili niyang iluwal ang kanyang ikalawang anak sa pamamagitan ng cesarian section dahil naniniwala siyang malalampasan niya ang sakit at dalamhati ng sugat nito dahil sa suporta at pagmamahal mula sa kanyang panganay at nobyo. Inilahad niya ang kanyang pananabik at kaligayahan para sa bagong yugto ng kanyang buhay kasama ang bago niyang anak. Inilarawan niya ito bilang dahilan kung bakit pakiramdam niya ay nabuhay siyang muli at lubos ang kanyang pasasalamat para rito. Sa ngayon, pinagtutuunan ng pansin ni Andi ang magpagaling sa sugat mula sa panganganak at alagaan ang sanggol. Pagkatapos nito ay sisimulan na niyang mag-ehersisyo upang muling ibalik ang kanyang dating katawan.

© 2019 SHY. All Rights Reserved.

Scroll To Top