Now Reading
Pag-ibig Nga Naman: Tingnan ang Pagyayakapan nina Blake Lively at Ryan Reynolds sa Shooting ng Pelikulang “Free Guy”

Pag-ibig Nga Naman: Tingnan ang Pagyayakapan nina Blake Lively at Ryan Reynolds sa Shooting ng Pelikulang “Free Guy”

Si Blake Lively ay ang tatlumpu’t tatlong gulang na artista sa Amerika na nakilala sa isang sikat na serye sa telebisyon na “Gossip Girl” noong taong 2007 hanggang 2012. Tampok rin siya sa ilang pelikula gaya ng “The Sisterhood of the Traveling Pants” at “Green Lantern”, kung saan niya nakatambal ang kanyang kasalukuyang asawa na si Ryan Reynolds na sumikat dahil sa pelikulang “Deadpool”.

Kahit na may sampung taong agwat sa pagitan ng edad ng dalawa, ikinasal sila sa isang “secret wedding” na ginanap sa South Carolina noong taong 2012 at biniyayaan ng unang anak na lalaki noong 2014. Pagkatapos ng dalawang taon, pinagkalooban muli ang mag-asawa ng isa pang anak na babae. Sila ay kasalukuyang nakatira sa siyudad ng New York sa Amerika at may inaasahan pang isang anak na kasalukuyang ipinagdadalantao ni Blake.

Ipinakita ni Ryan Reynolds sa kanyang Instagram stories noong isang araw ang pagbisita ng kanyang buntis na asawa sa set ng pelikulang kasalukuyan niyang tinatrabaho na pinamagatang “Free Guy” kung saan kasama niya sina Joe Keery, Channing Tatum, at Utkarsh Ambudkar. Ang kwento ng pelikulang ito ay tungkol sa isang lalaking nagtatrabaho sa bangko na di kalauna’y nadiskubre na isa pala siyang karakter sa isang video game. Sa larawan na ipinost ni Ryan, makikitang suot ni Blake Lively ang isang simpleng bestida at puting sneakers habang nakayakap ito sa asawa. Nilagyan ito ng caption ni Ryan na “Great Scott!”

Source: Google

Sa isang interview noong nakaraang buwan, inilahad ni Ryan Reynolds na hindi sila sabay na nagtatrabaho ni Blake upang mapanatiling sama-sama ang kanilang munting pamilya. Ani niya, kung ang isa sa kanila ay nagtatrabaho sa isang lugar, mapa-Thailand, Utah, o New York man ito, kasama nila ang buong pamilya at ni minsan ay hindi sila naghiwa-hiwalay.

See Also

Samantala, sa isang interview kay Blake noong taong 2012, binanggit nito na mahilig siya sa bata at nais niyang magkaroon ng malaking pamilya at maraming anak. Pabiro pa nitong sinabi na mag-aanak siya hanggang tatlumpu kung kaya niya.

© 2019 SHY. All Rights Reserved.

Scroll To Top