Now Reading
Tikman ang mga Kakaibang Pagkain na Di Mo Dapat Palampasin

Tikman ang mga Kakaibang Pagkain na Di Mo Dapat Palampasin

Lahat tayo ay mahilig sa pagkain at sa pagkahilig natin sa kahit anong uri ng pagkain ay may mga nadidiskubreng mga iba’t-ibang putahe o uri ng pagkain na nagmula sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na takot tayong subukan dahil sa kakaiba nitong itsura. Pero kung ikaw naman ay adventurous at nais mong subukan at tikman ang mga kakaibang pagkaing ito, tamang-tama ang ating inihanda namin para sa inyo. Ngayon ay dadako naman tayo sa mga pagkain na may kakaibang itsura o kaanyuan ngunit worth it kung ating susubukan. May iba rito na pamilyar na sa inyo ngunit takot pa rin ninyong tikman at subukan. Mayroon ding mga bagong pagkain na malamang ay ngayon niyo lamang makikita.

Balut

Siyempre hindi mawawala sa ating listhan ang balut na orihinal na nagmula sa ating bansa at makikita rin sa mga karatig at kalapit na bansa gaya ng Indonesia, Vietnam, at iba pa. Marami ang takot na subukan ang kakaibang pagkain na ito dahil ang balut ay mula sa duck embryo. Pagkabukas mo ng shell, makikita mo na agad ang hindi pa halos buo na sisiw — ang mabalahibo niyang katawan at ang maliliit nitong mga pakpak at hita. Masarap ang balut na may sawsawan na suka at asin.

Pinikpikan na Manok

Mula sa Mountain Province at Ilocos Region ang Pinikpikan. Pinapalo ng stick ang native na manok hangang sa ito ay mamatay, iihawin, at papakuluan na parang tinola. Marami ang nagsasabi na mas malasa ito kaysa sa regular na tinolang manok, dahil na rin sa pinaggalingan ng manok at ang mga iba pang sangkap na kanilang ginagamit sa pagluto.

Tuslob-Buwa

Kung kayo naman ay mapadpad sa Cebu, dapat ninyong subukan ang Tuslob-buwa. Gawa ito sa utak ng baboy at atay na sinamahan ng sili, asin, at iba pang pampalasa.

Etag

Kung kayo naman ay mas adventurous, maaring subukan ang etag na mahahanap lang sa Sagada. Dahil sa malamig na klima ng lugar, ang Etag ay isang uri ng karneng baboy na prinepreserve gamit ang asin at tinatago sa mga banga. At base sa mga matatanda ng Sagada, kung mas inuuod ang etag, mas masarap ito. Kapag handa ang etag, pinapakuluan ito ng parang nilagang baboy. Malalasahan mo ang kakaibang aroma at lasa ng etag mula sa sabaw at laman. Madalas ay sinasamahan ito ng karne mula sa pinikpikan na manok.

Tamilok

Para naman sa mga mas matitibay ang sikmura, dapat subukan ang tamilok, isang uri ng shipworm o woodworm na mahahanap sa Palawan o Aklan. Hindi niluluto ang Tamilok, madalas ay kinikilaw ito at isinasawsaw sa suka na may sili at asin.

See Also

Salawaki

Salawaki ang tawag ng mga taga-Bohol sa sea urchin. Ang kulay dilaw o kahel na loob ng sea urchin ang kinakain. Mas lalong sumasarap ito kapag sariwa.

Champorado at Tuyo

Likas sa ating mga Pilipino ang pagkahilig sa kanin kaya naman nakagawa tayo ng napakaraming pagkain mula rito. Isa sa mga paborito ng lahat ay ang champorado na mas masarap na ipareho sa tuyo. Tama ang inyong nababasa. Champorado at tuyo. Ang tamis ng champorado ay binabalense sa alat ng tuyo. Perfect combination ika nga ng iba!

Huwag matakot sumubok ng mga bagong pagkain, dahil dito mas malalaman mo ang kultura at tradisyon sa mga lugar na pinanggalingan ng pagkain. Kaya naman, happy eating mga ka-SHY!

© 2019 SHY. All Rights Reserved.

Scroll To Top